Magsisi Kayo at Sumampalataya sa Ebanghelyo

Marcos 1:15, Magsisi at manampalataya, repent and believe, uncontainablemusings.com

Nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos.Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!” (Marcos 1:14-15)

Sino si Jesus?

Si Jesus ay ganap na Diyos. Itinuturo ng Bibliya na mayroon lamang isang tunay na Diyos na walang hanggang umiiral bilang tatlong magkakaibang persona — ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Si Jesus ang Anak ng Diyos.

Noong simula pa lamang ay naroon na si Jesus. Siya ay kasama ng Diyos, at si Jesus ay Diyos. Kasama na Niya ang Diyos noong simula pa. Nilikha ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan Niya, at kung wala Siya, walang anumang nilikha. Ang lahat ng nilikha ay nagkaroon ng buhay sa pamamagitan Niya, at ang buhay na ito ay ilaw ng sangkatauhan (Juan 1:1-4). Sapagkat sa pamamagitan Niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan Niya at para sa Kanya. Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan Niya (Colosas 1:16-17). Siya ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas. Siya ang kasalukuyan, nakaraan at Siyang darating, ang Makapangyarihan sa lahat (Pahayag 1:8, 22:13).

Si Jesus ay ganap na tao ngunit walang kasalanan. Kahit Siya’y nasa anyo o kalikasan ng Diyos, hindi Niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos. Sa halip ay itinuring Niyang walang halaga ang sarili, kinuha ang kalikasan ng alipin, at naging katulad ng mga tao. Nagkatawang tao Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinanganak ng isang birhen. Tulad natin ay tinukso rin Siya sa lahat ng mga paraan, gayunma’y hindi Siya nagkasala. Lubos Siyang masunurin sa Ama at nabuhay na banal. Ito ay sapagkat nananahan sa Kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos. Yamang Siya ay nasumpungan sa anyong tao, Siya ay nagpakumbaba at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus. Siya’y namatay at inilibing ngunit sa ikatlong araw, Siya ay nabuhay mula sa kamatayan. Ang Panginoong Jesu-Cristo ay makapangyarihan at tagumpay laban sa kamandag ng kasalanan at kamatayan!

Kaya naman Siya’y lubusang itinaas ng Diyos, at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan; upang sa pangalan ni Jesus ang bawat tuhod ay lumuhod, ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat bibig na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. (Filipos 2:6-11)

Ano ang Mabuting Balita ng Diyos?

Ang Mabuting Balita o ang Ebanghelyo ay ipinangako ng Diyos noong una pa na isinasaad sa mga Banal na Kasulatan, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Tungkol ito sa Kanyang Anak na si Cristo Jesus na ating Panginoon. Ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat isang sumasampalataya.

Ang Diyos ay banal. Ang salitang “banal” sa Bibliya (qadosh sa Hebreo, hagios sa Griyego) ay karaniwang naglalaman ng kahulugang moral na kadalisayan. Ngunit ang ideya sa konsepto ng kabanalan ay “pagiging hiwalay.” Ang pangunahing kahulugan nito ay “hiwalay o bukod.” Ang Diyos ay hiwalay o bukod sa lahat ng bagay na makasalanan at masama. Siya ay walang bahid ng kasalanan. Ang Diyos ay hindi nalulugod sa kasamaan; ang kasamaan ay hindi Niya kasamang naninirahan (Mga Awit 5:4). Hindi Siya maaaring magkaroon ng pakikisama sa sinuman na walang ganap na kabanalan.

Ang tao ay makasalanan. Lahat tayo ay nagkasala sa Panginoon. Mababaw o mabigat na kasalanan, sa isip, salita o gawa, lahat ng tao ay makasalanan at walang sinumang natatangi. Sinasabi ng Bibliya: Walang sinumang matuwid, wala kahit isa. Walang sinumang nakakaunawa, walang sinumang humahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa (Roma 3:10-12). Sapagka’t tayong lahat ay naging parang marumi, at ang lahat ng ating katuwiran ay naging parang basahang marumi. Ang ating mabubuting gawa ay hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos dahil ang kanyang pamantayan ay wagas na kabanalang imposibleng makamit ng tao. Dahil sa ating kasalanan, tayo ay nahiwalay at nalayo sa Diyos.

Ang Diyos ay makatarungan. Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). Ang kamatayang ito ay tumutukoy sa espirituwal na kamatayan kung saan ang tao ay mahihiwalay sa Diyos magpakailanman. Sa halip na walang hanggang pag-ibig kasama ang Panginoon, daranasin ng tao ang kaparusahang walang hanggang kapahamakan. Ito ay ang pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan. Ito ang buong katotohanan tungkol sa kalagayan ng tao. Tayong lahat ay nagkasala; samakatuwid, makatarungan ang hatol ng Panginoon sa ating mga kasalanan.

Ang Diyos ay pag-ibig. Sa pamamagitan ng kaniyang dakilang pag-ibig sa atin, gumawa Siya ng paraan upang makapagkasundo tayo sa Kanya. Ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin (Roma 5:8).

Si Jesus na ang Anak ng Diyos ay pumarito upang hanapin at iligtas ang nawala o mga makasalanan. Siya ay namuhay ng banal at isinakripisyo ang Kanyang sarili bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan. Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Yaong mga sumasampalataya kay Jesus ay walang sariling katuwiran at kabanalan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya.

Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.” Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.

Ang kaligtasan ay kaloob na biyaya ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Dahil sa biyaya kayo’y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito’y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki. (Efeso 2:8-9)

Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon. Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana, ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.

Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos:
kayo’y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo. (Marcos 1:15)

Click here for English Translation.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s